Friday, April 22, 2011
Puso o Isip???
Sabi nila isa raw sa pinakamahirap pagdesisyunan sa lahat ay kung alin sa dalawa ang mas pagaganahin mo, kung utak o puso.
Ganito kasimple, sa mga komplikadong eksena halimbawa, alam mo ng nasasaktan ka, bakit mo pa rin itinutuloy?
Kapag nalagay ka sa isang posisyon na kinakailangan mong mamili kung alin sa dalawa, ang daang mahirap na kapag nalagpasan mo ay labis-labis na kaligayahan ang mararamdaman mo o isang simpleng pagpapasya na tapusin ang nararamdamang hirap at maghanap ng mas madaling daan.
Alin sa kanila ang mas pipiliin mo?
Isama mo na ang katotohanang sa una hindi mo pa nasisiguradong kapag nalagpasan mo amg mahirap na daan ay matitiyak mo na ang kaligayahang dulot ng matagal na paghihirap, paminsan-minsan nauuwi rin sa wala ang lahat. Pupuwede pang sa pagpupumilit mong bagtasin ang liku-likong daan, higit sa kalahati ang tiyansa mong maligaw, hindi dahil sa may nagligaw sayu kundi niligaw mo ang sarili mo.
Oo alam ng utak mong nagpapakatanga ka pero bakit puso pa rin ang pinapagana mo.
Marami akong kakilalang nadala na sa paulit-ulit na pagpapangibabaw ng puso nila sa kanilang sistema. Madalas nilang sabihin "nadala na ako, utak na ang ginagamit ko".
Yan ang isa sa mga posibleng benepisyong nakukuha sa pagkakamali. Sa unang pagkakataong nabagtas mo ang maling daan, sa ikalawa ba'y pipilitin mo pa ring idaan ang sarili mo doon?Katangahan na marahil na matatawag kung ganun ang gagawin mo.
Pero minsan talaga dumarating sa puntong mapapaisip ka, wala lang halos pinagkaiba sa isang exam kung saan alam mong letter A ang sagot pero B ang isinulat mo at kapag tinanong ka na kung bakit yun ang sinagot mo isa lang ang pupuwede mong masabi. "Hindi ko rin alam ee...basta ang alam ko yun ang tama".
Paliguy-ligoy ang aking mga pagpapahayag hindi dahil sa trip ko lang, kundi dahil gusto kong hindi lang utak mo ang gumagana, nais kong mangyaring puso mo ang magbasa ng bawat salitang nakapaloob dito.
Higit sa lahat bago ka magpasya kung utak o puso ang paiiralin mo, mas magandang palaging magtitira ka ng para sa'yo, unahin mong mahalin ang sarili mo bago ang iba ....
Subscribe to:
Posts (Atom)